Chapter 4

December 14, 2010

Jared Ramos

Nahihirapan akong mag-isip ng maayos. Simula ng gabing 'yon mas lalong gumulo ang isipan ko. Hindi ko maipaliwanag ng maigi ang nararamdaman ko ngayon. Tumingin na lang ako sa kisame ng kwarto ko. Magdamag akong mulat. Hindi ako makatulog kahit ilang beses kong pilitin ipikit ang mga mata ko. Hindi pa rin mawala sa isip ko yung pangalawang beses na pagkakadikit ng aming mga kamay. Jared, ano yun? Tanong ko na lamang sa isip ko.

Kinuha ko ang notebook ko at sinimulan kong isulat ang petsa noong nakita ko ng pangalawang beses si Luna.


12-13-10
Dalawang beses na kaming nagkita at ngayon ay magkaibigan na kami.
Di ko maipaliwanag ang nararamdaman ko noong hawakan niya ang kamay ko ng pangalawang beses. Siguro kinakabahan lang ako. Siguro nga.

-Jared the pogi


 
Ngayon lang ako nagsulat ng ganito.
Diary ko na yata 'to. Ang corny ko. Ang weird ko na yata.

"Umaasa akong makakapunta ka bukas ng gabi." Huling sinabi ni Luna sakin bago ako umuwi. Pumayag naman ako. Magkikita kami mamayang gabi. Hindi ko naitanong kung bakit niya aasahang darating ako. Hindi ko rin naitatanong kung bakit gabi-gabi siyang nandoon.


Narinig kong kumatok ng kwarto ko si Monique.
"Kuya may bisita ka." ani Monique. "Nandito si kuya AJ."

Dalawa lang kaming magkapatid ni Monique, 11 years old pa lang siya. Mahilig naman siya sa music, kaya madalas parang masisira na ear drums ko dahil sa pagpapatugtog niya tuwing umaga.


Kahit masakit ang ulo ko ay pinilit kong bumangon at lumabas ng kwarto ko.
Nakita ko naman si AJ na nasa sala namin. Feel at home. Tumatawa siya na nanonood ng comedy habang kumakain ng nachos. Napangisi na lang ako. Ibang klase talaga itong kaibigan kong 'to.

"Bakit ka nandito?" bungad ko kay AJ. Magkasalubong ang kilay ko.


"Tita oh, balak akong pauwiin ni Jared.
" pagsusumbong naman ni AJ. Nak ng!


"Totoo ba 'yon Jared?
" tanong sakin ni mama. Dumila naman sakin si AJ na parang nang-iinis.


"Ma, hindi ah.
" agad kong tugon. Bumalik naman kaagad si mama sa kusina.

Umupo na lang ako sa tabi ni AJ. Pumikit muna ako sandali. Patuloy pa rin sa pagtawa itong katabi ko sa pinapanood niya.


"Bakit ka nandito?
" muling tanong ko kay AJ.


"Luh, bawal?
" siraulong sagot niya. Hindi na lang ako umimik. Napasinghap na lang ako ng malalim.

"Tol, anong balita sa ghost girl mo?" kumakaing tanong ni AJ. Baka hindi rin naman siya maniniwala kapag sinabi kong nakita ko siya kagabi.


"Wala.
" Maikling sagot ko.


"Kuya ano 'to?
" humahagikhik na tanong sakin ni Monique habang hawak-hawak niya ang notebook na pinagsulatan ko kanina. Agad namang inagaw ni AJ yung notebook tsaka tumakbo palayo sakin.


"Akin na 'yan!
" naiinis kong sabi. Nabasa nga ni Monique ang sinulat ko kanina. Tumakbo sa hagdanan si AJ tsaka binuklat ang notebook at binasa nga niya ito.


Wala rin akong magagawa kaya umupo na lang ako dito sa sofa.
Bahala na silang basahin yung sinulat ko.


Humahagalpak sa tawa si AJ.

"Tol hanggang ngayon naniniwala ka pa rin talaga sa ghost girl na yun?" tumatawang sabi ni AJ sakin. Tawa siya ng tawa habang hawak-hawak niya ang tiyan niya. "Ang corny mo tol! HAHAHAHAHA! Inlove kana sa multo?" sumabay na rin sa pagtawa si Monique habang ako ay naiinis na. Okay na rin siguro ito kaysa naman asarin ako ni AJ ng paulit-ulit tungkol kay Diana.


"Hindi siya multo.
" tipid kong sagot. "Totoong tao siya."


"Eh hindi ko nga nakita.
" asik ni AJ.


"Namatay yung alaga niyang aso kaya hindi raw siya nakapunta noong ipapakilala na kita, okay na?
" naiinis na sagot ko.


"Hindi pa rin ako naniniwala.
Inlove kana sa multo, boy." bumaba na si AJ sa hagdan at tumabi na sakin.


"Bakit ka ba kasi nandito?
" pangatlong tanong ko.


"Luh, nakalimutan mo ba ngayon tayo magfefeed ng mga pulubi sa daan?
" Sa wakas nagseryoso rin sumagot itong siraulong ito.


Napagplanuhan ko rin maligo at magbihis tsaka kami umalis ni AJ.
Dumiretso naman kami sa school dahil doon ang meeting place namin ng mga kapwa namin artist. Hinati kami sa apat na grupo at binigyan kami ng lugar kung saan kami pupunta at mamimigay ng munting regalo.

Bumili kami ng mga ready to eat foods, mga prutas at mga gamot na ipapamigay namin. Pagkatapos namin bumili ay napagdesisyunan ko na magsolo muna. Iniwan ko si AJ sa iba pang mga kasama namin.

Habang naglalakad ako ay naaninag ko ang isang simpleng bracelet na may disenyong buwan. Napukaw ang atensyon ko kaya pumasok ako upang tignan lang.

"Magkano po 'to?" tanong ko sa saleslady.

"Ah 'yang moon bracelet sir? Tamang-tama naka-sale siya ngayon kaya mura na lang po 'yan. Original price po niyan is 1,000 sir, pero ngayon ay 599 na lang." sagot naman niya sa akin. Ang ganda kasi ng bracelet. At yung disenyong buwan sa bracelet ay kamukha ng pendant sa kwintas ni Luna.

"Bibilhin ko na po." Nagandahan kasi ako kaya binili ko na lang. Kinuha ko ang natitirang pera ko sa wallet.


"Sir siguradong matutuwa ang girlfriend niyo dito.
" Masayang sambit ng saleslady. Wala na akong girlfriend.


"Ah hindi naman, regalo ko lang sa isang kaibigan.
" ngumiti ako sabay kamot sa ulo. Lumabas na ako at nilagay ko na muna sa sling bag ko yung binili ko.


Habang naglalakad ako bigla akong natauhan.
Teka bakit ko binili? Akala ko ba titignan ko lang ng mabuti? Ang weird ko na nga yata. Di bale na nga, wala namang masama kung ibibigay ko ito kay Luna bilang simbolo ng aming pagkakaibigan.


Bumalik na ako sa pwesto ng grupo namin at binitbit ko yung mga pagkaing naka-styro at iba pa.
Naghiwa-hiwalay na kami ng pwesto.
Nilibot namin ang buong plaza.


"Maagang pamasko!
" bati ko sa mga batang naglalaro tsaka ko sila binigyan ng tig-iisang pagkain. Nakakataba ng puso ang makita silang nakangiti kahit sa simpleng tulong lang namin.


Nilibot ko na ang iba pang parte upang magbigay ng pagkain.
Pagkatapos ko sila pakainin ay dumako naman ako sa harap ng simbahan at nakita ko ang isang lalakeng matandang pulubi kaya nilapitan ko ito upang bigyan rin ng pagkain.


"Maagang pamasko po 'tay.
" nakangiting bati ko tsaka ko ini-abot ang dala ko. Minsan masakit makita na natutulog na lang sila sa mga bangketa. Gusto ko kapag nakapagtapos ako ng college matulungan ko man lang sila at mabigyan ng home for the beggar.

Masaya namang tinanggap ng matanda ang dala ko. Nagtanong-tanong lang ako sa kanya at sinagot naman niya ang mga tanong ko. Pero laking gulat ko ng may sinabi siya sa huli.

"Alagaan mong mabuti ang babaeng nagpapakita sayo tuwing gabi." Nanigas ako sa sinabi ng matanda kaya hindi na ako naka-imik pa. Manghuhula ba siya?


Bumalik na ako sa booth namin.
Tapos na ang pagdidistribute namin kaya napag-isipan namin ni AJ na magpalamig muna kaya bumili kami ng ice cream. Pagkatapos ay napag-isipan na naming umuwi.

Gabi na ng makauwi ako. Nagugutom na rin ako kaya kumain na ako ng dinner kasama ang pamilya ko. Dumiretso naman kaagad ako sa kwarto ko at humiga na muna. Napagod ako ng husto.

Kinuha ko naman yung sling bag ko at kinalkal ko ang binili ko kanina. Tinitigan ko lang ito. Kahit simple, napakaganda lang ng bracelet na ito. Hindi ko alam pero parang selenophile na yata ako. Isang taong mahilig sa buwan.

Chineck ko ang oras. 9:30 na pala kaya nagshower na ako at nagbihis ng puting t-shirt at black na jogging pants. Nagpa-alam na ako kina mama at papa kaya lumabas na ako at kinuha ang bike ko. Nilagay ko ulit sa bag ko 'yung binili kong moon bracelet.


Agad kong pinedalan ang bike.
Tamang-tama nakita ko siya nakaupo sa swing. Napapansin kong paborito niyang pwesto yung swing. Nakatingala lang siya sa mga bituin. Hindi pa niya alam na nandito na ako.


"Magandang gabi Luna, kanina ka pa ba dito?
" paninimula ko kaya napatingin siya sakin at binigyan niya ako ng ngiti.


"Magandang gabi rin.
Hindi, kararating ko rin lang, naupo lang ako dito sa duyan. Masaya akong nakarating ka." Inosenteng sabi niya. Hindi ko alam pero parang nakakatakot siya. Para talaga siyang multo. Nakasuot pa rin siya ng puting doll dress pero iba ang disensyo niya kumpara sa sinuot niya noong una at pangalawa.


Nilapitan ko siya at umupo sa isang duyan.

"Ang ganda ng mga bituin 'no?" nagulat ako ng magsalita siya. Siguro kailangan ko nang sanayin sarili ko. Minsan kasi hindi siya kumi-kibo tapos ngayon bigla na lang siya magsasalita.

"Oo nga..." saad ko. "Kasing ganda mo." nadulas ang dila ko. Nakakahiya. Paniguradong narinig niya. Tumawa siya ng mahina.


"Salamat.
" tanging sabi niya at tumingin ulit siya sa kalangitan. Napaka-ganda niya. Sumasabay ang ganda niya sa mga bituin at ang maliwanag na buwan.


"Wala ka bang ibang kaibigan?
" tanong ko.


"Wala.
" tipid na sagot niya. Napakahinhin rin niya magsalita. Para talaga siyang nagsasalitang manika.


"Bakit naman wala?
"

"Walang may balak makipag-kaibigan sakin."

"Mabait ka naman at masaya ka maging kaibigan." sagot ko.


"Maraming salamat at naging kaibigan kita.
" sagot rin naman niya. Bakit kaya wala siyang kaibigan?


"Walang anuman.
" nakangiti kong sabi. Hindi na ako makapagsalita pa. Kaya nag-isip ako ng pwedeng itanong.


"May boyfriend kana ba?
Or nagkaboyfriend kana ba?" tanong ko. Tama ba yung tanong ko? Pakiramdam ko nag iinit ang pisngi ko dahil sa tinanong ko.


"Wala at wala" maikling sagot niya at binigyan niya ako ng ngiti.
Sobrang ganda niya imposibleng walang nanligaw sa kanya. Mabait naman siya kung tutuusin. Weird nga lang.


"Ikaw?
" tanong niya sakin.


"Ah oo, nagkagirlfriend na ako.
" ani ko.


"Ikwento mo naman.
Anong pakiramdam ng magmahal?" inosenteng tanong niya. Blangko ang mata niya habang nagtatanong. Bagay na bagay ang pangalang Luna sa kanya. Kasing aliwas ng pagkatao niya ang liwanag ng buwan.


"Nagbreak lang kami noong nakaraan, tsaka alam mo ang pag-ibig na naranasan ko ay sobrang sakit pero hindi naman ibig sabihin ay masakit na rin siya para sa iba dahil may kanya-kanyang kwento naman tayo ng pag-ibig.
" Nagdako ang mga mata namin kaya binaling ko sa iba yung paningin ko. Ramdam kong sumisikip ang dibdib ko kagaya ng naramdaman ko kahapon.

"Ano kayang pakiramdam ng pag-ibig?" tanong niya sa sarili niya. Niyakap niya ang dala niyang teddy bear. She's very calm and cold.


"Huwag mo munang susubukan.
Huwag ka rin magmamadali dahil kusang darating 'yan." sambit ko. Hindi naman kasi talaga minamadali ang pag-ibig. Kusa kang pupuntahan ng pag-ibig kaya huwag na huwag nating hahanapin.

"Jared, masaya akong dumating ka ngayon." kumunot ang noo ko sa sinabi niya kaya agad ko naman siyang tinanong.


"Bakit naman?
" I asked her. Then she sighed. Binigyan niya ako ng isang matamis na ngiti.


"Kaarawan ko ngayon.
"

Agad ko namang ikinagulat ang nalaman ko. Espesyal na araw pala niya ngayon. Hindi na ako nagdalawang isip na batiin siya.

"Ha-happy birthday Luna." bati ko. Naalala ko ang bracelet sa bag ko kaya kinalkal ko ito at binigay kay Luna. Tamang tama. Kaya pala nagpaparamdam sakin na bilhin ko ito. Kaya pala. Kaarawan pala niya.


"Tanggapin mo itong simpleng regalong nabili ko.
Pasensya na."


"Ang ganda.
Maraming salamat." hindi ko maipinta yung ngiti niya. Para siyang anghel. Lord, guardian angel ko ba 'to? Isinuot ko sa kanya ang bracelet. Kabadong-kabado ako nang magkalapit kami.


Bigla niya akong niyakap na siya namang ikinagulat ko.
Tanging tibok ng puso ko lang ang naririnig ko. Imposible. Imposible itong nararamdaman ko. Agad rin naman siyang bumitaw sa yakap. Bumalik na rin ako sa duyan.


"Ilang taon kana ngayon?
" tanong ko.

"Labing-walo."

"Uy debut mo pala ngayon." Gulat kong sabi. Hindi naman siya kumibo. Nalulungkot ako para sa kanya. Sabi niya wala siyang mga kaibigan. Labing-walo na pala siya pero bakit parang walang pumunta sa kaarawan niya.
Alam ko na!


"Maari ba kitang isayaw?
" pag-anyaya ko sa kanya at ini-abot ang kamay ko. Saktong-sakto may naririnig akong nagvivideoke malapit dito. Saktong sakto sa tugtog.


Harana by Parokya ni Edgar.


"Hindi ko pa nasusubukan.
" saad niya.


"Ako ang bahala.
" Sabi ko. Tinanggap rin naman niya ang kamay ko pero naguguluhan siya noong una. Tumayo na kami at nilagay ko at mga kamay niya sa balikat ko. Nahihiya akong iniligay ang mga kamay ko sa bewang niya.


"Ang 18th birthday ay isa sa mga importanteng kaarawan ng babae kaya dapat hindi mo pinapalagpas lang.
" tugon ko.


"Maraming salamat Jared.
"

Pakiramdam ko kilalang-kilala ko na si Luna. Pakiramdam ko matagal na kaming magkakilala.

Tahimik kaming sumasayaw.


Kasabay ng pagsayaw ko sa kanya ay ang mga pag-ngiti ng mga bituin sa amin.

Siya si Luna, ang babaeng biglang pumasok sa puso ko.

Next chapter